Tulya (Tulang Malaya)

Tuesday, August 09, 2005

Madilim na ulap na Siyang nagbabantang

lunurin ang aking lambak, ihanda mo ako

sa pagpatak ng ulan

Unti-unting tusukin ang aking damdamin

ng mga luhang magmumula sa Iyong

mapagmahal na mata

Ihanda mo ako sa pagdilig ng Iyong

Kapangyarihan sa lupang humihingi

Ng karapatang magpasibol ng luntian

O Mahabaging Hangin, umiihip sa aking

kalmadong dalampasigan, gumalaw nang

ganap upang ako’y umalon at makawala

Kirugin mo ako, O Bagyong Dalisay, upang

Umikot ang ipo-ipo ng aking dagat na

Hihigop sa aking tunganga

O Kidlat, punitin ang madilim kong Kalangitan,

ihanda mo ako sa Iyong muling pagsakop sa

lupa’t dagat ng mundong hilo na sa kakaikot sa araw

Wasakin mo ako: ito ang aking

Hiling sa tagaayos ng buhay ko,

at umaasa akong titila rin ang lahat


Sabog pa rin.

*Hiniling ko na 'to noon - at ibinigay Niya. Nakakatakot, baka ibigay Niya ulit.


1 Comments:

  • Kung ang iyong pinatutungkulan sa paggamit ng malalaking titik (Siyang, Iyo, Mahabaging Hangin, atbp.) ay ang Dakilang Lumikha, tama lang ang iyong ginawa subalit marapat ding gawing malaki ang unang titik ng panghalip na "mo," at pangngalang "ulap."

    'Di ko matiyak kung mayroon nga bang Tagalog na salitang "Kirugin."
    Ang ibig mo bang sabihin ay "alugin, yugyugin?" Kung oo, ang salitang "undayin" ay angkop... ang ibig sabihin ng salitang ito ay paggalaw upang lumikha ng pag-alon.

    Ang salitang "Kalangitan" ay tila mas mainam kung gagawing maliit na lamang ang unang titik nito -> "kalangitan." ('pagkat hindi naman ito pumapaitungkol [sa aking pananaw] sa katulad ng iyong nais bigyang turing sa mga salitang ginamitan mo ng malalaking titik sa unahan (Mahabaging Hangin, Bagyong Dalisay, atbp.)na nauna ko ng nabanggit na sa aking pagtinging ay ang Pinakadakilang Makata. =)

    Napansin kong ang tuntuning iyong sinusundan sa pagputol mo ng mga taludtod ay tatluhan (sa bawat saknong na maituturing). Maganda ang iyong estilo datapuwat higit na huhusay kung maayos na gagamitin bilang pananda ang malaki at maliit na titik sa umpisa ng bawat taludtod upang mas maipabatid ang pagpapakahulugan ng katapusan ng isang kaisipan... Mangyaring gawing malaki lamang ang unang titik ng bawat saknong...

    Iminumungkahi kong palitan ang salitang "kalmado" ng "tahimik o payapa" marahil, sapagkat ito lamang ang naiiba sa lahat ng ginamit mong salita. Ito ay salitang hiram samantalang 'taal o katutubong Tagalog' ang lahat.

    Narito ang isinaayos kong bersiyon:
    [ikaw pa rin ang bahalang huhusga, kung anong maganda sa iyong paningin... huwag mong sabihing sabog ang iyong mga tula... ang bawat makata o manunula ay may sariling lalim sa pagsulat... nakakatuwa ang paglalaro mo ng mga salita, mabuting masanay na masiglang sumisid sa malawak na karagatan ng panulaan =)]

    Madilim na Ulap na Siyang nagbabantang

    lunurin ang aking lambak, ihanda Mo ako

    sa pagpatak ng ulan

    Unti-unting tusukin ang aking damdamin

    ng mga luhang magmumula sa Iyong

    mapagmahal na mata

    Ihanda Mo ako sa pagdilig ng Iyong

    kapangyarihan sa lupang humihingi

    ng karapatang magpasibol ng luntian

    O Mahabaging Hangin, umiihip sa aking

    payapang dalampasigan, gumalaw nang

    ganap upang ako’y umalon at makawala

    Undayin Mo ako, O Bagyong Dalisay, upang

    umikot ang ipo-ipo ng aking dagat na

    hihigop sa aking tunganga

    O Kidlat, punitin ang madilim kong kalangitan,

    ihanda mo ako sa Iyong muling pagsakop sa

    lupa’t dagat ng mundong hilo na sa kakaikot sa araw

    Wasakin Mo ako: ito ang aking

    hiling sa tagaayos ng buhay ko,

    at umaasa akong titila rin ang lahat

    *magaling mong naisalin sa bawat taludtod ang iyong damdamin...
    nauunawaan kita =)

    By Blogger Sarah Dimabuyu, at 11:43 AM  

Post a Comment

<< Home