Tulya (Tulang Malaya)

Tuesday, August 09, 2005

Sila lang ang may karapatan

Mananahi ng mga letra

Bumubuo ng salita

Nanghuhubog ng kaisipan

Bumubuo ng taludtod

Pumipinta ng larawan

Bumubuo ng saknong –

Opo, tula ng makata

Sila lang ang may karapatan

Tanging mga nakakaunawa

Tulang may kalaliman

Sila lang ang nakakasisid

Tulang may kababawan

Sila lang ang nakakapansin

Tulang may laman –

Malamang, para sa kani-kanila lang din

Sila lang ang may karapatan

Diktador ng porma’t sukat

Pormang karaniwan at tudlikan

Sanggol sa pagbabasa nila

Pormang pantigan

Natututo pa lamang magsalita –

Leche, wala na daw bang manghahamon pa?

Sila lang ang may karapatan

Tagatatak ng tula

Pumupuri ng ibang obra

Pagkatapos ng paninira

Nagmumungkahi na itama

Pagkatapos pumuna

Magsasabibg hindi iyon tula

Taliwas, parang tula naman sa mambabasa

Sila lang ang may karapatan

Papatawang hindi ito tula

Kababawan ng mga salita

‘di man lang nakakagasgas

Kalatas ng tinta

‘di man lang nakakasugat

Kaguluhan ng porma –

Tunay, ‘di to tula ng makatang nananaksak

Sila lang ang may karapatan

Kinasusuklaman ng masa

Walang may tiyagang umunawa

Sa hiroglypicong gawa

Walang nagbibigay ng limos na pansin

Sa mga salita

Walang natutuwa –

Nabubukod, mga sarili nila

Sila lang ang may karapatan

Ngunit ito’y napupukaw

Sa tuwing uwian

Pinapatay sa aklatan ang ilaw

Sa tuwing nasasapian

Ng katamaran ang mag-aaral

Sa tuwing nagugulumihanan –

Kaya, walang mambabasa’t tagapakinig,

Walang karapatan.

*Maliban sa unang saknong, sinubukan kong may tugma – ewan ko kung nahalata ninyo.

Pananaw ito ng isang supling na manunulat bilang pagbibigay galang sa mga makatang matatag na ang ugat, ngunit nagsusugal pa rin.

Paalala: wala akong kinikimkim na galit kay Sarj, sa prof ko sa “Empeeten” at sa lahat ng mga makatang sadyang natural lang talaga ang pagsusulat para sa kanila.

Kinaiingitan ko lang talaga sila. Hayop.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home