Tulya (Tulang Malaya)

Tuesday, August 09, 2005

Madilim na ulap na Siyang nagbabantang

lunurin ang aking lambak, ihanda mo ako

sa pagpatak ng ulan

Unti-unting tusukin ang aking damdamin

ng mga luhang magmumula sa Iyong

mapagmahal na mata

Ihanda mo ako sa pagdilig ng Iyong

Kapangyarihan sa lupang humihingi

Ng karapatang magpasibol ng luntian

O Mahabaging Hangin, umiihip sa aking

kalmadong dalampasigan, gumalaw nang

ganap upang ako’y umalon at makawala

Kirugin mo ako, O Bagyong Dalisay, upang

Umikot ang ipo-ipo ng aking dagat na

Hihigop sa aking tunganga

O Kidlat, punitin ang madilim kong Kalangitan,

ihanda mo ako sa Iyong muling pagsakop sa

lupa’t dagat ng mundong hilo na sa kakaikot sa araw

Wasakin mo ako: ito ang aking

Hiling sa tagaayos ng buhay ko,

at umaasa akong titila rin ang lahat


Sabog pa rin.

*Hiniling ko na 'to noon - at ibinigay Niya. Nakakatakot, baka ibigay Niya ulit.


Nagsasanib puwersa ang iyong

mga kabiguan, kahihiyan at kahinaan

upang puksain ang iyong bagong

Tagpong lakas

Nagbabantang manumbalik ang

iyong nakaraan upang sakupin

ang iyong hinaharap

Inaagaw ng nakaraan ang itak na

pinanday ng pag-asa, pinipilit itong

purulin ng iyong mga kakulangan

Balak ng nakaraan na bawiin ka

mula sa bago mong buhay

at alilain ka muli ng takot

Lumakad ka, kahit nag-aalok ang

pagtulog ng pansamantalang katahimikan,

huwag kang magpapalinlang

Ginagatungan ng kadiliman ang apoy

na unti-unting lumalamon sa iyong

pagkatao – maging listo sa pagpikit

Laumakad ka, kahit ginagayuma ng

kapabayaan ang iyong lakas para sa

pagbabago

Hindeng-hinde mo malalasap ang tamis

ng buhay na nararapat para sa iyo

kung hahayaan mong umaaligid-aligid

ang pait ng iyong kahapon

Lumakad ka, kahit nauna na ang

iyong mga kakampi, pati ang iyong

mga luha ay inabandona ka na

Nakakalumpo ang pag-iisa, ngunit

Ito ang epektibong guro sa

paglalakad ng matuwid

Lumakad ka, kahit humahadlang

ang iyong nakaraan sa pagusad mo

bilang isang kumpletong nilalang

Harapin ang takot, lumakad patungo

sa kaaway at patunayang handa ka

nang mabuhay ng malaya

Lumakad ka, kahit may pangambang

ikaw muli ay madarapa’t masusugat

ng mga bubog na hindi mo maiiwasan

Umasa kang ang lumalang sayo ang

siyang hihilom ng mga sugat na ipinataw,

gagamot ng mga karamdamang ipinagkaloob,

at aayos ng landas na winasak ng sarili

Niyang mga kamay – maitama ka lang.

Lumakad ka, parang awa mo na,

kahit ang paglakad ay nakakapanghina.

Lumaban ka naman.

Sabog. Ganyan talaga.

*haay, isa nanaman sa mga pagsubok na pinagdadaanan ko ngayon. Hirap kasing makakalas mula sa nakaraan, papansin. Panginoon, nananakot po ulit sila.

Goya, lumaban ka naman.

Pamamahinga’t pagpapagod ay sabay.

Lumiliwanag ang

pagtataksil ng panaginip

sa kadiliman ng isipang umaasa.

Sawa

na akong

mamatay

Kapag

ako’y pumikit

saka gigising ang

pagnanasang tulog pag umaga

Didilat

ako habang

buhay

Kamatayan

ang pagpikit –

paiibigin sa tauhang

isipan ang may akda

Gabi-gabi’y

oras ng

lamay,

Nananaksak

ang bawat

eksena:pinapaasang mabubuhay

ang pangyayaring hindi itinakda

Titiisin

ko ang

antok

Puppet

silang lahat,

sunud-sunuran sa bawat

paghila ng ambisyosong lubid

Ang

pagtulog ay

hayok

Magpapamigay

ng galak,

at agad-agarang binabawi

habang sumasayaw sa himig

Ang

Kaisipan ay

sinusubok

Nanghahamon,

nagbabanta, nangaakit –

linilito ang isipang

linalason ng purong gayuma

Panaginip ay magiging alaala.

Pagkatapos managinip

At gahasain ng kadiliman,

Kamatayan ay pansamantalang namamahinga.

Christmas tree – pwede ring anim na tao at dalawang diving board sa swimming pool.

*natatakot talaga akong matulog sa mga panahong ito dahil sa mga panaginip na nagpapaasa. pangit. keso.

Ramdam ko ang

poot na ‘di

maipaliwanag habang naglalakad

sa daang kasimbato

ng aking nadarama

‘Di ko maipaliwanag

ang lamig at

katigasan ng mga

batong siyang naapakan

ng damdaming nagaalsa

Ramdam ko ang

poot at suklam

nang kumumpol ang

mga kaibigang ‘di

naman dapat kinaiinisan

‘Di ko inaasahang

ang pilit kong

kinukubli na poot

ay makakawala’t ako

ay ‘di makakapagtago

Maraming tao ang

nagagalit, wala akong

pinagkaiba mula sa

damdamin nilang gusting

magpapansin at magangas

Galit ako, hindi

sa Diyos, hindi

sa tao kundi

sa isang nilalang

na kilalang-kilala ako

Mahal ko ang

Diyos, pero galit

pa rin ako

sa nilikha niyang

nilalang na nagmamagaling

Tumumpak tatay ko:

Nagliliyab ang poot

ng anghel, pinakamtaikas

na kaaway ang

sarili – magalit lang.

*labing-limang salita kada saknong na nahati sa tatlong salita kada taludtod. ewan.

hm, naisulat ko ‘to sa may SC, banda sa mga nagbebenta ng kikiam at siopao sa labas ng COOP. ahm, sobrang galit ko noon – ‘di ko alam kung bakit kung galit ang isang tao, nagagawa niya ang hindi niya madalas ginagawa: nagmumura, naninipa ng bato, namumuna ng kapintasan ng ibang tao, nagsusuklay, etc. astig, nailabas ko ang galit ko sa pagsusulat. eeks. korny.

Sila lang ang may karapatan

Mananahi ng mga letra

Bumubuo ng salita

Nanghuhubog ng kaisipan

Bumubuo ng taludtod

Pumipinta ng larawan

Bumubuo ng saknong –

Opo, tula ng makata

Sila lang ang may karapatan

Tanging mga nakakaunawa

Tulang may kalaliman

Sila lang ang nakakasisid

Tulang may kababawan

Sila lang ang nakakapansin

Tulang may laman –

Malamang, para sa kani-kanila lang din

Sila lang ang may karapatan

Diktador ng porma’t sukat

Pormang karaniwan at tudlikan

Sanggol sa pagbabasa nila

Pormang pantigan

Natututo pa lamang magsalita –

Leche, wala na daw bang manghahamon pa?

Sila lang ang may karapatan

Tagatatak ng tula

Pumupuri ng ibang obra

Pagkatapos ng paninira

Nagmumungkahi na itama

Pagkatapos pumuna

Magsasabibg hindi iyon tula

Taliwas, parang tula naman sa mambabasa

Sila lang ang may karapatan

Papatawang hindi ito tula

Kababawan ng mga salita

‘di man lang nakakagasgas

Kalatas ng tinta

‘di man lang nakakasugat

Kaguluhan ng porma –

Tunay, ‘di to tula ng makatang nananaksak

Sila lang ang may karapatan

Kinasusuklaman ng masa

Walang may tiyagang umunawa

Sa hiroglypicong gawa

Walang nagbibigay ng limos na pansin

Sa mga salita

Walang natutuwa –

Nabubukod, mga sarili nila

Sila lang ang may karapatan

Ngunit ito’y napupukaw

Sa tuwing uwian

Pinapatay sa aklatan ang ilaw

Sa tuwing nasasapian

Ng katamaran ang mag-aaral

Sa tuwing nagugulumihanan –

Kaya, walang mambabasa’t tagapakinig,

Walang karapatan.

*Maliban sa unang saknong, sinubukan kong may tugma – ewan ko kung nahalata ninyo.

Pananaw ito ng isang supling na manunulat bilang pagbibigay galang sa mga makatang matatag na ang ugat, ngunit nagsusugal pa rin.

Paalala: wala akong kinikimkim na galit kay Sarj, sa prof ko sa “Empeeten” at sa lahat ng mga makatang sadyang natural lang talaga ang pagsusulat para sa kanila.

Kinaiingitan ko lang talaga sila. Hayop.